Huling araw na ng aking unang taon sa kolehiyo. At ngayon, tinatahak
ko ang daan pauwi galing sa kanilang munting tahanan. Ang lugar kung saan
iginasta ko ang huling dalawang araw kasama siya. Dalawang araw na pinuno namin
ng mga magagandang karanasan.
Huling ika-unang araw. Nakaupo ako sa harap ng tindahan ni
Ate Ana. 6:16 pa lang ng umaga pero andito na ako. Pinatong ko muna ang bag ko
sa aking tabi at sumandal sa upuan. Tatlong oras akong maaga para sa pagkikita ng
aming pangkat. Mag-oovernight kasi kami sa kanila para sa research paper namin
sa Filipino. Matapos kaya namin?
6:30 n.u. Ayoko munang pumasok sa loob ng college building namin.
Masyado pang umaga. Ayokong tumambay mag-isa sa loob. Aantayin ko na lang muna
na may pumasok kahit isa. Inaantay ko rin kasi siya, susunduin niya kasi kami
para ‘di kami maligaw papunta sa kanila.
6:35 n.u. Wala pa ring dumadating kahit isa. Biglang lumabas
si Ate Ana. Tinanong niya ko kung bakit maaga ako. Sinagot ko na lang siya na
may overnight kami. Akala ko tatagal ang pag-uusap naming pero ‘di kalaunan ay
umalis din siya. Mag-isa na naman ako.
6:45 n.u. Sampung minuto pa lang ang nakakalipas pero
pakiramdam ko ay isang oras na ang lumipas pagkatapos kong silipin ang oras
kanina. Bakit ba ang tagal dumating ng mga estudyante dito sa COC? Samantalang
nitong nakaraang linggo, maaaga naman sila kung dumating.
7:00 n.u. Ilang mga mukha na ang dumaan sa harap ko. May
mag-isa, may dalawahan. Pero lahat sila ay dinadaan-daanan lang ang COC, wala
pa ring pumapasok sa loob nito. Ilang minuto pa ang lumipas at dalawang
naka-pula ang sinundan ko nang tingin. Alam kong sila na ang inaantay kong
makakasabay ko pagpasok. Tumayo na ako sa aking kinauupuan. Kinuha ko ang aking
bag at muli iyong isinuot. Naglalakad na ako papunta sa loob ng gusali nang
tumunog ang aking cellphone.
‘Aaaaaaaaaaa.Choc is calling...’
Sinagot ko ito at ang inip ko ay napawi nang tanungin niya
ako kung nasaan ba ako. Sinabi kong papasok na ako nang COC at sinabi niyang
malapit na siya. Sa wakas may kasama na ako. ‘Di na ako mag-isa.
7:05 n.u. Tinahak ko ang pasilyo papunta sa lugar kung saan
ako madalas tumambay. Umupo ako sa sahig na katapat ng ‘Room 202’ at isinandal
ko ang aking likod sa pader pagkatapos kong ilapag ang aking bag sa aking tabi.
Huminga ako nang malalim at saka ko inilapat ang aking ulo sa pader. Kakapikit
ko pa lamang ng aking mga mata nang marinig ko ang pag-ngiyaw ng pusa. Dinilat
ko ang aking mga mata at tinawag ko ang pusa sa pamamagitan ng pagsambit ng
pantawag sa mga pusa. Lumapit naman ito kaagad at nilaro ko ang pusang saksi sa
aking buhay sa COC tuwing umaga.
7:10 n.u. Habang naglalaro at nagkukulitan kami ng pusang
itim ay nakarinig ako ng yabag ng tao. Itiningala ko ang aking ulo at nakita ko
ang makakasama ko sa pag-aantay sa loob ng dalawa pang natitirang oras. Umupo siya
sa aking tabi at hinalikan ang aking labi pagkatapos ay sa noo. Hinawakan niya
ang aking kamay nang sobrang higpit. ‘Di ko alam pero nakaramdam ako ng kilig. Sinulit
na namin ang mga oras na magkasama kami. Dalawang buwan ang lilipas bago kami
muling magkasama.
8:00 n.u. Napagdesisyunan naming kumain muna kila Ate Ana ng
unli lugaw. Kinuha niya ang bag kong punong-puno ng aking mga gagamitin sa
overnight namin. Nagpalit kami ng bag at dala ko ang bag niyang Bench na
naglalaro lang sa aking katawan dahil sa wala itong laman kundi ang wallet niya
lang. Tinahak namin ang daan papunta kila Ate Ana ngunit hindi rin natuloy ang
aming pagkain dahil walang lugaw, napagdesisyunan namin na kumain na lang ng
hamburger.
8:30 n.u. Tatlumpung minuto na lang ag natitira at
napagdesisyunan naming pumunta na sa Recto station. Doon kasi ang
napagdesisyunang magiging tagpuan ng aming pangkat. Nilakad namin ang kahabaan
ng Pureza, walang umiimik sa aming dalawa pero patuloy lang kami sa paglalakad.
8:40 n.u. Nakasakay kami ng jeep pero tahimik pa rin kami.
Pero ilang segundo lang ang nakalipas at nag-usap na rin kami. Inabot kami ng
dalawampung minute sa byahe bago makarating sa aming destinasyon. Tila
napakatagal na rin nung huli ko siyang makasabay papuntang Recto.
9:00 n.u. Narating namin ang Recto Station at nakita namin
ang naghihintay na si Gelai. Buhat-buhat pa rin niya ang bag ko at kahit sa
simpleng bagay lang na ganito kinikilig pa rin ako. Naghintay pa kami ng isang
oras para hintayin ang iba pa naming mga kagrupo.
10:00 n.u. Kumpleto na kami at nagsimula na kaming maglakbay
papunta sa kanila. Ewan ko pero ang saya ko dahil kahit sa huling dalawang araw
ng aking unang taon sa kolehiyo makakasama ko ang taong ito.
11:00 n.u. Isa-isa ko nang nakita ang mga puno, palayan at
mga hayop sa paligid. Nararamdaman ko na ang atmosphere ng isang probinsya.
Nararamdaman ko nang malapit na kami sa kanila. Nararamdaman ko na magiging
maganda ang dalawang araw naming pananatili sa kanila.
12:00 n.t. Inabot kami ng dalawang oras bago makarating sa
kanila. Pagbaba naming ng tricycle ay naisip ko ang mga dinaanan namin.
Dalawang beses sa isang araw at walong beses sa isang linggo. Mahirap pala ang
pagbyahe niya, nakakapagod.
Nasa tapat na kamin ng pintuan nila, nagsipasukan na ang
tatlo kong mga kagrupo at naiwan na lang ako. Tinatanggal ko ang aking sapatos
nang puntahan ako ng kanyang butihing ina, nagbeso ako bilang paggalang sa
kanya. Nagkamustahan at pinapasok na niya ako.
(Itutuloy...)




